Pumalo na sa higit 70,000 ang bilang ng mga kaso ng dengue sa Pilipinas ngayong 2023.
Sa datos ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), nasa 72,333 ang mga dengue cases mula January 1 hanggang June 17, 2023.
Ayon sa DOH, mas mataas ito ng 14% kumpara sa naitalang bilang sa kaparehong panahon noong 2022.
Nasa 249 naman ang kumpirmadong namatay dahil sa dengue, pero ito ay mas mababa kumpara sa 287 na nairekord sa kaparehong panahon noong nakalipas na taon.
Pinakamarami sa mga kaso ng dengue ay sa National Capital Region o NCR na nasa 8,470 cases.
Sinundan ito ng Region 11 o Davao Region na mayroong 7,689 dengue cases; at Region 4A o CALABARZON, 7,534 na mga kaso.
Patuloy naman ang paalala ng DOH na ang dengue ay hindi na lamang nakakapam-biktima tuwing tag-ulan, kundi kahit sa panahon ng tag-init.
Kaya maiging protektahan ang sarili, siguraduhing nakatakip ang mga pinag-iipunan ng tubig, panatilihing malinis ang katawan at kapaligiran, magsuort ng damit na uubrang proteksyon laban sa dengue, at maaaring gumamit ng mosquito repellant.
Kapag naman may sintomas, agad na magpakonsulta sa doktor o pinakamalapit na ospital o kaya sa health center.