Kaso ng dengue sa buong bansa, mas tumaas pa

Umabot na sa 229,736 ang kaso ng dengue sa buong bansa, batay sa pinakahuling datos ng Department of Health o DOH.

Ayon sa Epidemiology Bureau ng DOH, ang naturang bilang ay naitala mula January 1 hanggang August 17, 2019 kung saan 958 na pasyente na ang nasawi.

Nito lamang August 11 hanggang August 17, ay nakapagtala na ng 13,327 dengue cases sa buong kapuluan.


Mas mataas ito ng 54% kumpara sa kaparehong panahon noong 2018, kung kailan nai-rekord ang 8,672 na kaso ng dengue.

Ang Region 6 ang mayroong pinakamataas na bilang ng kaso ng dengue, na umakyat na sa 39,892 cases at 179 ang namatay.

Pumangalawa naman ang Region 4-A o Calabarzon, na mayroong 30,889 cases, kung saan 98 ang binawian ng buhay dahil sa dengue.

Patuloy naman ang paalala ng DOH, kapag nakaramdam ng sintomas ng dengue ay agad na magpa-konsulta sa doctor.

Lagi ring tandaan ang 4S Strategy at ang 4 o’clock habit laban sa dengue.

Facebook Comments