Manila, Philippines – Bumaba ng 35 porsyento ang kaso ng naitalang dengue sa bansa ngayong 2017 kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, mula January 1 hanggang June 3, ngayong taon, nasa 41, 963 na kaso ng Dengue na ang kanilang naitala kung saan pinakamaraming bilang o 6,126 sa mga ito ay nagmula sa Region 7 o Central Visayas na mayroon nang 54 na kaso ng namatay.
Sinundan ito ng Metro Manila na mayroong 5,415 na kaso habang 32 naman ang naitalang nasawi.
Ayon kay Tayag, nakaambag ang mga programa ng DOH tulad ng libreng bakuna kontra dengue sa mga pampublikong paaralan sa elementarya, at ang pinagigting na pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa Dengue.
Gayunpaman, ayon kay Tayag hindi pa rin dapat mag pakakampante ang publiko dahil hindi lang naman Dengue ang dalang virus ng mga lamok, at mayroon ring Chikungunya at Zika.
Ugaliin pa rin aniya ang paghahanap at pagsira sa pinagpupuran ng mga lamok sa loob at labas ng bahay, at panatilihin laging malinis ang kapaligiran.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558