*Cauayan City, Isabela- *Pumalo na sa mahigit kumulang na apat na libong biktima ng sakit na dengue sa Lalawigan ng Isabela mula sa buwan ng Enero hanggang ngayong Nobyembre taong kasalukuyan.
Ito ang tinalakay kahapon sa isinagawang Dengue Summit sa Isabela Provincial Capitol hinggil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue sa Lalawigan maging sa mga karatig Lalawigan dito sa ating rehiyon.
Pinangunahan ito ng Dept. of Health (DOH) na dinaluhan naman ng iba’t-ibang stakeholders at mga pinuno mula sa iba’t-ibang bayan ng Isabela.
Kaugnay nito ay Umaabot naman sa labingwalong katao ang namatay na biktima ng naturang sakit kumpara noong nakaraang taon na sampung indibidwal.
Samantala, nasa 226 naman ang naitalang kaso ng dengue sa Lungsod ng Cauayan at naitala rito ang brgy. San Fermin na may pinakamalaking kaso ng dengue na may bilang na 40.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Dr. Romulo Turingan ang Regional Medical Coordinator ng DOH, malaki anya ang kahalagahan ng ganitong aktibidad at pagtitipon ng mga stakeholders upang talakayin ang mga paraan upang malunasan ang paglobo ng bilang ng dengue cases sa rehiyon.
Samantala, nilinaw naman ni Dr. Turingan na walang naitalang namatay na naturukan ng dengvaxia dito sa Isabela.
Panawagan pa nito na dapat umanong magtulungan upang malabanan at masugpo ang pagkalat ng sakit na dengue.