Kaso ng dengue sa QC, mahigit 600 na; 2, patay sa nakalipas na 2-buwan

Inanunsyo ng Quezon City (QC) Government na umabot na sa 638 katao ang naitatalang kaso ng mga residenteng nagkasakit ng dengue sa Lungsod ng Quezon.

Ito ay batay sa rekord ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU mula pagpasok ng buwan ng Enero hanggang nitong katapusan ng Pebrero.

Ayon sa QC Local Government Unit (QC-LGU) ang District 1 ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso na umabot sa 147 habang ang District 3 naman ang pinakamababa na may 61 kaso.


Ayon sa City Health Department dalawa na ang namamatay dahil sa kagat ng salot na lamok na nagtatataglay ng dengue virus.

Una na ring pinangunahan ng CESU ang pagsasagawa ng dengue case investigation habang nagsagawa na rin ng malawakang fogging operation sa iba’t ibang mga barangay.

Dahil dito, paalala ng City Government sa mga residente, magtungo agad sa pinakamalapit na health center o ospital kung may makita o maramdamang sintomas ng dengue.

Facebook Comments