Pumalo na sa kabuuang bilang na 799 ang naitatalang tinatamaan ng dengue sa Quezon City.
Ito ang inilabas na report ng Quezon City Health Department Epidemiology and Surveillance Unit o CESU mula January 1 hanggang nito Abril 29.
Ayon sa QC Health Department, tumaas ng 150.47% o 480 dengue cases ang naitala sa QC kumpara sa mga tinamaan sa kaparehong panahon noong 2022.
Base sa rekord ng CESU, ang District 4 ang mayroong pinakamataas na bilang na umabot sa 180 na kaso at District 2 naman ang pinakamababa na may 86 na kaso.
Paliwanag ng QC Health Department, mayroon nang naitalang isang kaso ng namatay dahil sa dengue.
Dahil dito, pinayuhan ng QC Local Government Unit (LGU) ang mga residente ng lungsod na pumunta sa pinakamalapit na health center kung mayroong maramdamang sintomas ng dengue para ito maagapan at hindi humantong pa sa pagkamatay.