Kaso ng domestic abuse, pinangangambahang mas mataas pa kumpara sa napaulat na kaso sa panahon ng lockdown

Nababahala ang Gabriela sa Kamara na posibleng mas mataas pa ang bilang ng domestic abuse kumpara sa bilang ng kaso na napaulat sa panahon ng community quarantine.

Duda si Gabriela Rep. Arlene Brosas na ang 3,700 na kaso ng domestic abuse ay bahagi pa ng mas malaking parte ng karahasan na nangyayari sa mga tahanan.

Sigurado aniyang marami pang insidente ang hindi naiulat dahil nakakulong sa bahay ang mga biktima.


Ayon kay Brosas, Marso pa lamang ay nagbabala na sila sa pagtaas ng kaso ng mga pang-aabuso sa mga kabataan at kababaihan.

Base sa opisyal na tala at reklamong natatanggap nila online, kada 10 minuto ay mayroong pang-aabuso at pananakit na nangyayari sa mga bahay.

Naging mahirap din sa mga biktima ng karahasan sa tahanan ang magsumbong agad lalo’t limitado ang galaw sa ilalim ng community quarantine at takot din magsumbong ang ilang kababaihan dahil sa balitang pananamantala ng ilang pulis sa checkpoints.

Hiniling naman ng mambabatas sa gobyerno na lalo pang palakasin ang mga programa sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and their Children para mabigyang proteksyon ang kababaihan at mga bata.

Facebook Comments