KASO NG GASTROENTERITIS SA BAYAN NG CALASIAO, TUMAAS; LIMANG BARANGAY, TINUTUTUKAN NG MUNICIPAL HEALTH OFFICE

Isa ang sakit na gastroenteritis na tinututukan at binabantayan ng mga health authority dahil maaari itong makuha tuwing sumasapit ang mainit na panahon.
Sa bayan ng Calasiao, base sa pinakahuling monitoring ng Municipal Health Office Calasiao simula noong January 1 hanggang April 8 ay tumaas umano ang kaso ng sakit na gastroenteritis na nasa halos 30% ang iginalaw nito o katumbas ito ng siyamnapu’t apat (94) na kaso ngayon at mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na mayroon lamang animnapu’t pito (67) na kaso.
Ayon pa sa MHO Calasiao, limang Barangay o ang mga Barangay ng Ambonao, Buenlag, Banaong, San Miguel at Dinalaoan ang kanilang tinututukan at binabantayan dahil nakakapagtala ang mga ito ng mataas na kaso na naturang sakit.
Kaya’t upang makapagbigay ng kaalaman ukol sa naturang sakit, nag-iikot-ikot ang MHO sa kada Barangay ng bayan upang bigyang diin ang kahalagahan ng kaalaman o ang health education sa bawat indibidwal upang alam ng mga ito ang gagawin sakaling makaranas ng kakaiba sa katawan at upang maka-iwas sa naturang sakit.
Mahigpit na ipinapaalala ng health authorities na siguraduhing malinis ang mga kinakain, hugasang mabuti at tignan din kung malinis ang iinuming tubig.
Facebook Comments