KASO NG HAND, FOOT AND MOUTH DISEASE SA REGION 1, TUMAAS

Tumaas ng 717 porsyento ang mga kaso ng hand, foot, and mouth disease o HFMD sa Ilocos Region mula Enero 1 hanggang Pebrero 15 ngayong taon, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay Dr. Magnolia Brabante ng Department of Health Region 1, umabot na sa 605 ang naitalang kaso ng HFMD sa rehiyon, mula sa 74 na kaso lamang noong nakaraang taon.

Pinakamataas ang naitalang kaso sa La Union, na may 280 kaso, sinundan ng Pangasinan na may 252, Ilocos Norte na may 49, at Ilocos Sur na may 24 na kaso.

Ang mga bata na limang taong gulang pababa ang pinaka-apektado ng sakit, ngunit maaaring makahawa ito sa kahit sino sa pamamagitan ng laway o kontaminadong dumi.

Karaniwang sintomas ng HFMD ang lagnat, sore throat, rashes sa palad at talampakan, at mga sores sa bibig na maaaring magdulot ng pagkawala ng ganang kumain at dehydration.

Bagamat ang HFMD ay karaniwang nawawala rin sa loob ng pito hanggang sampung araw, ito ay mabilis kumalat, kaya’t binigyang-diin ni Dr. Brabante ang kahalagahan ng pagsunod sa mga health protocols tulad ng regular na paghuhugas ng kamay, tamang pagtakip ng bibig kapag umuubo, at tamang pagtatapon ng diaper.

Inaasahan ang kooperasyon ng publiko sa pagpapanatili ng kalinisan upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga kaso ng HFMD. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments