Kaso ng HIV-AIDS nitong 2018, sumampa na sa halos 12,000

Umabot na sa halos 12,000 bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus – Acquired Immune Deficiency Syndrome o HIV-AIDS ang naitala ng Department of Health (DOH) nitong 2018.

Ito ay bahagyang mataas kumpara sa naitalang kaso noong 2017.

Base sa HIV/AIDS registry ng DOH-Epidemiology Bureau, nasa 11,427 HIV-AIDS cases ang naitala noong nakaraang taon.


Apat na kaso rito ay mga buntis kung saan tig-isang kaso ay naitala sa National Capital Region (NCR), Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon.

Mula sa 877 cases na naitala noong December 2018, 281 rito ay may edad 15 hanggang 24, 479 cases ay nasa 25 hanggang 34-anyos.

Nasa 162 cases ang may edad 35 hanggang 49 habang 15 kaso ang naitala na may edad 50-anyos pataas.

Ayon sa DOH, ang pangunahing dahilan pa rin ng pagkalat ng sakit ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

Mula January 1984, aabot na sumatutal sa 62,029 cases ang narekord ng DOH.

Nanawagan ang DOH sa mga ‘at-risk’ na sumailalim sa testing at sakaling magpositibo ay titiyaking mabibigyan sila ng libreng anti-retroviral treatment.

Facebook Comments