Kaso ng HIV sa Region 2, Higit 1,000; Isabela, Nanguna sa mataas na Bilang ng Tinamaan ng Sakit

Cauayan City, Isabela- Umabot sa kabuuang 1, 279 na indibidwal sa lambak ng Cagayan ang positibo sa human immunodeficiency virus o HIV batay sa pinakahuling datos na naitala nitong September 2021 ng Department of Health Region 2.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Janet Ibay, Medical Officer IV Communicable Diseases Cluster, 1-taong gulang ang pinakabatang tinamaan ng sakit na HIV habang 67-taong gulang naman ang pinakamatanda.

Aniya, nahawa ang bata sa sakit noong ipinagbubuntis pa lamang ng kanyang ina kung saan infected ito sa HIV.


Mula naman sa 5 probinsya sa rehiyon, naitala sa lalawigan ng Isabela ang pinakamataas na bilang ng mga nagpositibo sa HIV na umabot sa 624 habang pinakamababa ang naitala sa Batanes na umabot lamang sa labindalawang (12) kaso.

Samantala, binigyang diin ni Ibay na libre ang gamutan ng mga taong magpopositibo sa sakit upang maiwasan na lumala ang kanilang kondisyon at makapamuhay ng normal.

Sa kabila ng mahigpit na panuntunan na ipinatupad ng pamahalaan, bahagyang bumaba ang kasong naitala ng DOH dahil na rin sa mga travel restrictions dulot ng pandemya.

Gayunman, maraming bilang ng kalalakihan na umabot sa 1,200 ang positibo sa HIV kung saan isang dahilan ang pakikipagtalik sa kapwa lalaki habang 79 naman ng kababaihan ang tinamaan ng sakit.

Tiniyak naman ni Ibay na walang dapat ikabahala ang mga indibidwal na magpopositibo sa sakit dahil mananatiling ‘confidential’ ang resulta ng laboratoryo ng pasyente.

Hinimok naman nito ang publiko na magpasuri upang kaagad na malaman ang HIV status at maagapan ang kondisyon.

Facebook Comments