Zamboanga del Norte – Umabot na sa limang daan at anim ang naitalang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa buong rehiyon 9.
Ito ang kinumpirma ni Ms. Marie Eguia, ang kasalukuyang Provincial Program Assistant Coordinator ng STI/HIV Program ng Department of Health (DOH) sa lalawigan ng Zamboanga del Norte sa ginawang 3rd Quarter Media Forum kamakailan.
Ayon kay Eguia, umabot na sa 506 ang kabuuang kaso ng HIV sa buong rehiyon simula sa buwan ng Enero hanggang Mayo nitong taon.
Sa nasabing bilang, 78 kaso ang naitala sa lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Aniya, kadalasan sa mga nagkaroon ng nasabing sakit ay may edad 19-38 anyos.
Dagdag pa nito, bawat oras ay may mahawaan ng HIV na ma-diagnosed ng DOH sa buong bansa.
Dahil dito, pinayuhan ni Eguia ang publiko na mag-ingat at panatilihing maging tapat sa isang partner lamang.