Kaso ng krimen sa bansa, bumaba ng 17.45% mula sa 92 araw ni acting PNP Chief Nartatez

Bumaba ng 17.45% ang kaso ng krimen sa bansa mula nang manungkulan si Philippine National Police (PNP) Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. sa loob ng 92 araw.

Ayon sa ulat ng PNP, mula Agosto 26 hanggang Nobyembre 26 ng kasalukuyang taon, umabot sa 8,514 ang kabuuang bilang ng mga naitalang kaso ng krimen, mas mababa kumpara sa 10,314 na kaso na naitala noong nakaraang taon.

Pinakamalaking pagbaba ay naitala sa kaso ng rape, kasunod ang murder, physical injury, homicide, robbery, at theft.

Bukod dito, malaki rin ang ibinaba ng mga kaso ng carnapping ng mga motor vehicle sa bansa.

Samantala, patuloy na pinaigting ng PNP ang kampanya laban sa ilegal na droga. Sa kabuuan, nagsagawa sila ng 14,746 anti-drug operations kung saan 17,270 katao ang naaresto at bilyon-bilyong pisong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam.

Kasama sa mga nasamsam na droga ang 320,057 gramo ng shabu, 9.4 milyong gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 680,516 piraso ng marijuana plants, 94,239 gramo ng kush, at 122,703 gramo ng cocaine, na may kabuuang halaga na P4.23-B.

Sa kampanya laban sa loose firearms, umabot na sa 3,024 ang mga naaresto, 7,541 baril ang nakumpiska, at 755 ang isinailalim sa safekeeping para sa beripikasyon.

Kaugnay nito, tiniyak ni Acting Chief Nartatez na patuloy pang paiigtingin ng PNP ang mga reporma upang magtamo ng isang mas ligtas at mas maasahang pambansang pulisya.

Facebook Comments