Sa gitna ng malakas na ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila, muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat kontra leptospirosis.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, hangga’t kaya ay iwasan ang paglusong sa baha pero kung kinakailangan talaga ay agad maghugas ng katawan pagkatapos.
Inirerekomenda rin ng kalihim na agad kumonsulta sa doktor o health center sa loob ng isa hanggang dalawang araw.
Sa pinakahuling datos ng DOH, 3,785 na ang kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong taon na bahagyang mas mataas kumpara sa 3,605 na naitala noong nakaraang taon.
Noong July 21 naman hanggang August 3 nang pumalo sa mahigit isang libo ang naitalang bagong kaso dahil sa pananalasa noon ng Bagyong Carina at habagat.
Ayon sa DOH, kung hindi mag-iingat ang publiko ay posibleng sumipa ulit ang mga kaso ng leptospirosis dahil sa pagbahang dulot ng Bagyong Enteng.