Kaso ng leptospirosis sa bansa, posibleng tumaas pa!

Inaasahang tataas pa ang kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong Disyembre.

Kasunod na rin ito ng mga naranasang pagbaha sa ilang lugar sa bansa dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo nitong Nobyembre.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na mula January 1 hanggang November 14, 2020, bumaba ng 67% ang kaso ng leptospirosis sa bansa kumpara sa kapaherong panahon noong 2019.


Mula November 1 hanggang 14, 2020, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 54 na kaso ng sakit na karamihan ay sa Metro Manila.

Pero ayon kay Tayag, maaari pa itong tumaas dahil lumalabas ang sintomas ng sakit sa loob ng dalawa hanggang 28 araw matapos ang exposure ng isang tao sa kontaminadong tubig-baha.

Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ay ang sumusunod:

 Lagnat
 Ubo, pagsusuka at diarrhea
 Pananakit ng ulo, binti, kalamnan at kasu-kasuhan
 Pamumula ng mga mata na walang pagmumuta
 Paninilaw ng balat

Paalala ni Tayag, agad kumonsulta sa doktor kapag nakaranas ng mga sintomas ng leptospirosis.

Kahapon, umabot na sa mahigit 70 ang kaso ng leptospirosis sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.

Facebook Comments