Kaso ng mga babae at bata na biktima ng domestic abuse habang may pandemya, umakyat sa mahigit 4,000

Pumalo na sa 4,260 ang bilang ng mga babae at bata na biktima ng pag-abuso at karahasan sa buong bansa na naitala ng Philippine National Police (PNP) habang may COVID-19 pandemic.

Nakasaad ito sa ika-12 report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ukol sa pagtugon ng pamahalaan sa krisis na dulot ng COVID-19.

Batay sa report, simula ng ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso hanggang nitong June 11, 2020 ay nasa 2,183 ang mga babae na dumanas ng karahasan at pag-abuso habang 2,077 naman ang batang biktima.


Ayon sa report ng Pangulo, patuloy naman ang ginagawa ng Philippine Commission on Women (PCW) na pagtulong sa mga kababaihang biktima.

Samantala, binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa kanyang report na patuloy ang pagbibigay ng gobyerno ng tulong sa mga sektor na apektado ng pandemya gayundin ang pagpapahusay sa mga pasilidad at resources para sa health sector at mga frontliner.

Sabi ng Pangulo sa report, nakatuon din ngayon ang pamahalaan sa pagpapalakas sa pananalapi ng bansa na pabor din sa mga stakeholders at sa pagbuo ng responsive and sustainable recovery plan.

Facebook Comments