Sumipa ang mga insidente ng krimen magmula nang isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR).
Sa virtual presser ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Quezon City Police District (QCPD) Police Station 10, sinabi ni NCRPO Chief Police Major General Debold Sinas na mula sa naitalang 10,834 na bilang ng krimen noong March 15, 2020 hanggang May 15, 2020, tumaas ito sa 11,401 mula March 15, 2020 hanggang May 21, 2020.
Kabilang dito ang mga kaso ng pagnanakaw, robbery at iba pang Crime Against Property.
Ayon kay Sinas, inaasahan na nila ito dahil nagsilabasan ang mga tao dahil sa ginawang pagluluwag.
Dahil dito, mananatili pa ang mga inilatag na checkpoints.
Naghahanda na rin sila sa mangyayaring transition mula MECQ patungong General Community Quarantine (GCQ).