Kaso ng mga hired killer at iligal na droga sa bansa, pinatututukan sa gitna ng pandemya

Pinababantayang mabuti ni Surigao del Norte Representative Robert Barbers sa Philippine National Police (PNP) ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga hired killer lalo pa ngayong marami ang nawalan ng trabaho.

Nababahala ang mambabatas na dahil sa kawalan ng kabuhayan ngayong may pandemya, posibleng may ilang kababayan ang naging desperado na para kumita ng pera at piniling kumapit sa patalim.

Naunang umapela na rin ang mambabatas sa mga awtoridad na manatiling mahigpit din sa pagbabantay sa iligal na droga lalo nang unti-unti nang lumuluwag ang quarantine measures sa ilang mga lugar.


Sinabi rin nito na hindi dapat maisantabi ang pagbabantay sa paglipana ng iligal na droga sa kabila ng pagiging abala ng mga awtoridad sa pagtiyak na nasusunod ang mga health protocols kontra COVID-19.

Hinala pa ng kongresista ay nakapag-plano na rin ang mga sindikato at tulak ng droga kung paano ang kanilang operasyon sa gitna ng ‘new normal’.

Facebook Comments