Monday, February 2, 2026

Kaso ng mga nawawalang sabungero, submitted for resolution na; mga butong nakuha sa Taal Lake, pumalo ng 900 —DOJ

Submitted for resolution na ang kaso ng mga nawawalang sabungero ngayong natapos na ang paunang imbestigasyon sa Department of Justice (DOJ).

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, tutukuyin na ng panel of prosecutors kung may sapat na ebidensiya para isampa sa korte ang reklamo o ibabasura ito.

Samantala, sinabi ni Martinez na nakakuha na ng mahigit 900 na mga buto sa Taal Lake kung saan pinaniniwalaang itinapon ang mga nawawalang sabungero.

Sa kabila ng mga isinagawang pagsisid, sinabi ng Justice Department na wala pang nagtutugma sa mga nakuhang buto sa Taal mula sa mga DNA ng mahigit 30 kaanak na kinunan ng samples.

Pero paglilinaw ni Martinez, uusad pa rin ang kaso kahit walang nagtugma sa mga DNA na nakuha.

Kanina, isinagawa ang huling preliminary investigation sa DOJ kung saan 57 lamang mula sa 62 na respondents ang nagsumite ng kanilang kontra salaysay.

Nauna nang naghain ng counter affidavit noong nakaraang linggo si Charlie “Atong” Ang na itinuturong mastermind umano sa pagkawala ng mga sabungero at ang aktres na si Gretchen Barretto.

Facebook Comments