Kaso ng nuisance candidates, tatapusin bago ang Disyembre

Target ng Commission on Elections (Comelec) na maresolba ang kaso ng nuisance candidates at mailabas na ang pinal na listahan pagsapit ng December 13.

Ayon sa poll body, sisikapin nilang maresolba ang lahat ng petisyon laban sa mga nuisance candidate sa buong buwan ng Nobyembre bago mailabas ang pinal na listahan upang makapagsimula na ng pag-imprenta ng mga balota.

Aarangkada naman ang printing ng mga balotang gagamitin sa 2025 midterm elections at BARMM Parliamentary elections sa katapusan ng Disyembre.


Nasa 117 na aspirant ang hindi nakasama sa listahan ng partial na kandidato sa pagkasenador pero binigyan pa sila ng pagkakataon na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat ikonsidera bilang mga nuisance o panggulo.

Nitong weekend nang pormal nang nai-turnover ng Miru Systems Inc. sa Comelec at National Printing Office ang dalawang bagong makina na gagamitin sa pag-imprenta ng mga balota.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nasa isang milyong balota ang kaya nitong i-imprenta sa loob ng dalawang araw at pasok sa target na 70 milyong balota sa loob ng dalawang buwan.

Facebook Comments