Inihayag ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng karagdagang 60 kaso ng BA.5 o Omicron subvariant ng COVID-19 sa buong bansa mula July 7 hanggang 11.
Sa datos ng DOH, ang 58 na nahawaan ng BA. 5 ay mula sa Region 6 habang tig-isang kaso naman sa Region 11 at Region 12.
Isa sa mga nadagdag na kaso ng BA.5 ay napag-alaman na hindi pa bakunado habang ang 59 ay kasalukuyan pa ring inaalam kung ilang beses nang nabakunahan o kung hindi pa.
Hindi pa rin matiyak ng DOH kung paano nahawaan ng Omicron subvariant ang 60 nadagdag sa bilang kung saan inaalam pa rin ang travel history ng mga ito.
Nabatid na 43 sa tinamaan ng nasabing subvariant ay nakarekober na habang ang 14 sa kanila ay kasalukuyang naka-isolate at ang tatlong iba ay kasalukuyang bineberipika ang kalagayan.
Dahil dito, umaabot na sa 293 ang bilang ng indibdwal sa buong bansa na nahawaan ng Omicron subvariant ng COVID-19.
Bukod dito, nakapagtala rin ang DOH ng karagdagang 17 kaso ng BA.2.12. at 12 kaso naman ng BA.4 subvariant ng COVID-19.