Monday, March 23, 2026

Kaso ng pagdukot sa mga nawawalang sabungero sa Manila Arena, muling binuksan ng DOJ

Muling binuksan ng Department of Justice (DOJ) ang kaso ng nawawalang sabungero na dinidinig sa Manila Regional Trial Court.

Ito ay may kaugnayan sa pagdukot sa ilang sabungero sa Manila Arena kung saan isa sa respondent ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan o alyas Totoy.

Pinagbasehan sa muling pagbubukas ng kaso ang affidavit ni Patidongan kung saan may mga tinukoy ito noong ‘John Does’ at aalamin ngayon ang kaniyang pagkakakilanlan at kung kasama na ito sa mga nakasuhan.

Kaugnay nito, nagtungo ngayong araw sa DOJ sina Patidongan at legal counsel ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na si Atty. Gabriel Villareal upang sumalang sa preliminary investigation.

Sabi ni Villareal, reresolbahin sa preliminary investigation kung isasama si Ang sa mga akusado sa naturang insidente.

Kinumpirma rin ng abogado na nag-recant si Patidongan sa naging pahayag nito para umano maalis siya sa kakasuhan at madiiin ang kliyenteng si Ang.

Nilinaw naman ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na maaaring magsagawa ng preliminary investigation habang umuusad ang kaso sa korte dahil hindi raw nito maaapektuhan ang mga ebidensiya laban sa mga nauna nang pinangalanang akusado.

Facebook Comments