Manila, Philippines – Binigyang diin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang epekto sa kasong pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos ang pakikipagkita ng kanyang mga magulang kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Drilon, na isang abogado at dating justice secretary, hindi naman private isyu ang kaso ng pagpatay kay Kian at mahalaga na may testigo dito.
Paliwanag ni Drilon na ito ay “people of the Philippines” laban sa mga miyembro ng Caloocan Police na nagsagawa ng anti-illegal drug operations at nakapatay kay Kian.
Si Senator Risa Hontiveros naman ay nirerespeto ang pasya ng mga magulang ni Kian na makipagkita kay Pangulong Duterte.
Pero ikinalungkot ni Hontiveros na sa dinami-dami ng mga namatay na menor de edad sa madugong kampanya ng gobyerno laban sa droga, ay ngayon lang nakuhang makidalamhati ng Pangulo.
Sa kabila nito, ay tiniyak ni Hontiveros na tiyak ang kanyang pakikipaglaban hanggang sa makamit ni Kian ang katarungan.