Hiniling ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun sa Department of Justice (DOJ) at sa National Bureau of Investigation (NBI) na i-take over ang kaso sa ginawang pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Umaapela si Fortun kay Justice Secretary Menardo Guevarra na utusan na nito ang NBI na kunin ang kaso at dapat na i-waive na ng Philippine National Police (PNP) ang kustodiya at hurisdiksyon nito sa nasabing police officer.
Paliwanag ni Fortun, dahil matindi ang galit ng publiko sa ginawang pamamaril ng pulis sa mag-inang Sonya Rufino Gregorio at sa anak nitong si Frank Anthony Rufino Gregorio, hindi aniya maganda na panatilihin ng PNP, National Police Commission (NAPOLCOM) o Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kanilang pangangalaga kay Nuezca.
Aniya, ang hakbang na ito ay nararapat at legal upang mas mapabilis ang imbestigasyon sa kaso ng suspek.
Pinamamadali rin ng kongresista na makasuhan ng kasong kriminal sa korte ang nasabing pulis.
Nanawagan naman si Fortun sa House Committee on Justice at sa Committee on Public Order and Security na siyasatin “in aid of legislation” ang lahat ng administrative at criminal cases laban sa mga police officers kasama na ang mga dismissed o nakalimutang kaso ng mga pulis.