Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang kaso ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na nagpositibo muli sa COVID-19.
Ito ay sa gitna ng mga katanungan kung gaano katagal ang antibodies sa isang indibidwal.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang nangyari kay Año ay patunay na hindi pa rin ligtas sa COVID-19 ang mga indibidwal na kagagaling lamang mula rito.
Paalala ni Vergeire na kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat lalo na ang mga gumaling sa sakit.
Kabilang sa sisilipin ng DOH experts ay ang lab results, mga sintomas at mga nakaraang infection ng kalihim.
Dagdag pa ni Vergeire, hindi pa sa ngayon ginagamit ang terminong “reinfections” dahil hindi pa ito tinatanggap ng scientific community.
Nitong Linggo, inanunsyo ni Año na muli siyang nagpositibo sa COVID-19 matapos makaranas ng sore throat at pananakit ng katawan noong Huwebes.
Unang nagpositibo si Año sa COVID-19 noong Marso.