Wala pang naitatala ang Department of Health (DOH) na anumang kaso ng “heart inflammation” o pamamaga ng puso sa mga nabakunahan kontra COVID-19 ng Pfizer at Moderna vaccines sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire kung saan nakarating na kanila ang ulat sa ibang bansa hinggil sa ilang kaso ng “rare heart inflammation” matapos na maiturok ang mga naturang bakuna.
Nabatid na sa Amerika, dinagdag na ng US Food and Drug Administration ang rare risk ng pamamaga ng puso sa “warning to patient” at “provider fact sheets” para sa Pfizer at Moderna COVID-19 vaccines.
Pero ayon kay Vergeire, dito sa ating bansa ay wala pa namang nararanasan ang mga naturukan ng mga nasabing bakuna.
Sinabi ni Vergeire na maiging hintayin na lamang ang mga manufacturer na magbigay ng opisyal na abiso na isinama na nila ang rare heart inflammation bilang bahagi ng babala sa kanilang bakuna.