Kaso ng Patayan sa bayan ng Angadanan, Muling Pinaiimbestigahan

Cauayan City, Isabela- Pinayagan ng National Headquarters ng Philippine National Police ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa ilang kaso ng patayan sa Angadanan, Isabela.

Sa liham ni PMGen. Arnel Escobal, Director ng PNP-Investigation and Detective Management, inatasan nito ang Police Regional Office 2 na magsumite ng Special Written Report kaugnay sa isyu ng umano’y patayan sa naturang bayan.

Kabilang sa pinaiimbestigahan na kaso ang pagpatay kina dating Barangay Captain Edgardo Dugay ng Calabayan noong May 15, 2009; dating School Principal na si Edito Jacinto ng Lomboy Elementary School noong September 23, 2014; dating Bank Manager na si Rufo “Luis” ng Angadanan Rural Bank na napatay noong September 11, 2011 sa Brgy. Centro; Arnold Pastor, driver ng isang pulitiko na napatay noong September 4, 2013 sa Brgy. Loria at si Elnerson Albano, dating kumandidato bilang Sangguniang Bayan na napatay noong September 15, 2020 sa Brgy. Duroc.


Una rito, personal na sumulat si dating Angadanan Mayor Manuel Siquian kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar na muling buksan at imbestigahan ang nasabing mga kaso.

Sa kanyang radio program na “Timek ti Isabela” sa 98.5 iFM Cauayan, nais ng dating opisyal na mabigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima ng pagpatay.

Facebook Comments