Tumaas ang kaso ng pneumonia sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila, mahigit apat na buwan mula nang alisin ng gobyerno ang COVID-19 state of public health emergency sa bansa.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, mayroong ilang mga pasyente sa PGH na kailangang ma-intubate dahil malala ang pneumonia ng mga ito.
May mga sanggol at matatandang pasyente ring na naka-confine sa ospital.
Sa unang tatlong buwan ng 2023, mayroong 41,497 na kaso ng pneumonia ang naitala sa bansa habang mahigit 201,798 na kaso ang naitala noong 2022.
Kabilang sa sintomas ng pneumonia ay ang hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib at hindi nawawalang lagnat.
Sabi ni Del Rosario, malaking tulong kung magpapaturok ng pneumococcal vaccine, na isang depensa laban sa pinakakaraniwang pinagmumulan ng sakit.