Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na mahigpit nilang babantayan ang kaso laban sa pulis na bumaril at nakapatay sa mag-inang nakaalitan nito sa Paniqui, Tarlac.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, sa oras na isampa ng lokal na pulisya ang pormal na reklamo sa piskalya ay agad na itong isasalang sa preliminary investigation para malaman agad kung may probable cause sa reklamo.
Maging ang kalihim ay nabahala sa nangyaring alitan na humantong sa pagkamatay ng mga tao.
Reklamong double murder ang sinasabing kakaharapin ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca.
Kasunod ito ng pamamaril ng pulis gamit ang kanyang baril sa mag-inang sina Sonya Gregorio, 52 taong gulang at Frank Anthony Gregorio, 25 taong gulang.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tarlac Police, sinasabing awayan sa lupa ang dahilan ng krimen.
Tiniyak pa ni Sec. Guevarra na makukuha ng mga biktima ang hustisya sa nangyaring krimen.