Kaso ng rabies ngayong taon, mas mababa kumpara noong nakaraang taon

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mula noong January 1 hanggang August 2 ay nakapagtala lamang ang ahensya ng 211 na kaso ng rabies sa bansa.

Ito ay mas mababa ng 21% kumpara sa 266 na kasong naitala sa parehong panahon noong 2024.

Sa kabila nito, nagpaalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante dahil nakamamatay ang rabies na naipapasa sa kagat, kalmot, at laway ng aso, pusa, at iba pang hayop na mayroon nito.

Sa tala ng DOH, halos pantay lang ang mga naitalang kaso mula sa alaga o domestic pets at galang hayop o stray animals.

Samantala, nasa 121 o 57% naman ng kabuuang kaso ay hindi tukoy kung nabakunahan ang hayop o hindi.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang DOH sa publiko na tiyaking bakunado ang mga alagang hayop at maging responsible pet owners.

Dagdag ng ahensya na kung sakali namang makagat o makalmot, hugasan agad ang sugat gamit ang sabon at sa umaagos na tubig sa loob ng 10 minuto, at agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health center o Animal Bite Treatment Center.

Facebook Comments