Kaso ng tigdas sa bansa, tumaas sa 413; bilang naman ng mga tinatamaan ng dengue, patuloy na bumababa

Tumaas pa sa 179% ang naitalang kaso ng tigdas sa bansa nitong Setyembre, 2022.

Batay sa huling datos ng Department of Health (DOH), umabot sa 413 ang kabuuang bilang ng kaso ng sakit na mas mataas kumpara sa naitalang 148 na kaso noong 2021.

Naitala ang pinakamaraming kaso ng tigdas sa CALABARZON sa bilang na 66, na sinundan naman ng Central Visayas sa bilang na 58, habang pangatlo ang Metro Manila na may naitalang 44 na kaso ng sakit.


Kaugnay nito, nauna nang nagbabala si DOH Officer-In-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergiere hinggil sa posibleng outbreak o pagdami ng kaso ng tigdas dahil sa mababang vaccination rate laban dito.

Samantala, patuloy naman ang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng dengue sa bansa.

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau OIC Dra. Alethea de Guzman, naitala ang 11,939 na kaso ng sakit sa bansa nitong Setyembre na mas mababa kumpara sa mga naitalang bilang ng kaso noong mga nakaraang buwan.

Batay sa huling datos ng DOH, naitala ang 173,233 na kabuuang bilang ng kaso ng dengue sa bansa mula Enero 2022.

Facebook Comments