Nananatili sa 25 ang naitalang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa Pilipinas mula sa mahigit 1,200 samples na ang sinuri ng Philippine Genome Center (PGC).
Ayon kay Dr. Alethea De Guzman, OIC Director ng DOH-Epidemiology Bureau, karamihan sa mga sample ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), Region 2 at National Capital Region (NCR).
Aniya, karamihan sa mga samples ay nakitaan ng B.1.1.6.3 variant na karaniwan na sa Pilipinas.
Bukod sa UK variant, tiniyak ni De Guzman na wala pang ibang variant na nakitang may significant impact sa public health.
Giit pa ni De Guzman, wala pang sapat na ebidensyang nagkaroon na ng community transmission ng UK variant sa bansa.
Aminado naman si De Guzman na tatlo sa 25 UK variant case ang hindi makitaan ng kaugnayan sa iba pang mga kaso.