Kaso ng UK variant sa buong bansa, umakyat na sa 62

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 18 bagong kaso ng UK variant ng coronavirus sa Pilipinas.

Dahil dito, umakyat na sa kabuuang 62 ang kaso ng UK variant sa bansa.

Sa mga bagong kaso, 13 ang returning overseas Filipino na dumating mula Enero 3 hanggang 27 habang tatlo ang nakumpirmang may mutation na ng N501Y at E484K na pawang mga taga-Central Visayas.


Ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, naabisuhan na nila ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan na maging mas mahigpit sa pagpapatupad ng health protocols, kabilang ang pagsasagawa ng localized lockdowns.

Batay sa DOH, ilang rehiyon sa bansa ang nakitaan na ng UK variant ng COVID-19 kung saan kabilang dito ang Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), CALABARZON, Central Visayas, Northern Mindanao at Davao Region.

Pero giit ni Health Secretary Francisco Duque III, kulang pa ito para makumpirmang may community transmission ng UK variant.

Hindi rin aniya puwedeng lubusang maiugnay sa variant ang pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang lungsod sa NCR.

“Hinihintay lang po natin ang Philippine Genome Center para makapagbigay ng karagdagang datos, dahil nga pinalalawig ang kanilang surveillance at hinihingian po ang lahat ng mga rehiyon ng kanilang specimen submissions ng mga positive specimen para magsagawa ng whole Genome sequencing at makita kung mayroon bang nangingibabaw na variant na posibleng maging sanhi ng pagtaas ng mga kaso. Pero sa ngayon wala po tayong malinaw na puwedeng sabihin o conclusion,” ani Duque.

Facebook Comments