Binaliktad ng Court of Appeals ang ruling ng Office of the Ombudsman na nagbabasura sa kasong kriminal at administratibo na inihain ni dating senadora Leila de Lima sa mga dating kalihim ng Department of Justice na sina Vitaliano Aguirre II at Menardo Guevarra.
Sa desisyon ng CA Special 17th Division, pinayagan ang hiling ni De Lima na baliktarin ang desisyon ng Ombudsman dahil sa kakulangan ng due process.
Ayon sa kampo ni De Lima, kumuha ng mga convict si Aguirre para tumayong testigo laban sa dating senadora kahit may kaso silang may kaugnayan sa moral turpitude na isang paglabag sa Section 10 ng Republic Act (RA) 6981 o Witness Protection, Security and Benefit Act.
Dahil dito, inakusahan ni De Lima si Aguirre ng “felony of dereliction of duty” sa paglabag sa Section 3 of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act o RA 3019.
Nagkaroon naman si Guevarra ng “gross misconduct at negligence” sa iligal na pagpasok ng mga convict sa Witness Protection, Security and Benefit Program.
Pero ibinasura ng Ombudsman ang mga kaso noong 2019 at 2020 gayundin ang inihaing motion for reconsideration.
Sa ngayon, isa na lamang ang natitirang kaso ng dating senadora matapos ibasura noong 2021 at nitong Mayo ang unang dalawang drug charges.