Bukod sa kasong kriminal, mahaharap din sa kasong administratibo ang pulis na walang awang bumaril sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac kahapon.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas, sinimulan na ng Crime Laboratory ang kanilang imbestigasyon para matanggal sa serbisyo si Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca na naka-assign sa Parañaque City Crime Laboratory.
Aniya, sa ngayon, naka-automatic leave na ang pulis.
Siniguro naman ni PNP Chief na magiging patas ang imbestigasyon at nakatutok dito ang Tarlac Police.
Kagabi sumuko sa Rosales, Pangasinan ang suspek at agad na dinala sa Paniqui Police.
Sa kanyang pagsuko, isinuko niya rin ang kanyang armas na Beretta 9 mm na ginamit sa pamamaril sa mga biktima na sina Sonya Gregorio, 52 taong gulang at Frank Anthony Gregorio, 25 taong gulang.