
Nai-raffle na sa dalawang dibisyon ng Sandiganbayan ang kasong kinakaharap ni dating Senador Bong Revilla kaugnay sa mga flood control projects.
Ito ay matapos isampa ng Office of the Ombudsman ang mga kasong malversation at graft laban kay Revilla at iba pa.
Kaugnay ito sa ₱92.8-M na umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Napunta sa Fourth Division, na ang chairperson ay si Justice Michael Frederick Musngi, ang kasong graft ni Revilla, habang ang kasong malversation ay napunta sa Third Division na pinamumunuan ni Justice Karl Miranda.
Pinangunahan ni Justice Juliet Manalo San Gaspar ang raffle committee, kasama sina Justice Lord Villanueva at Justice Hans Chester Nocom.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Revilla sa kaso sina Assistant District Engineer Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza, Engr. Arjay Domasig, Engr. Emelita Juat, Juanito Mendoza, at Christina Pineda.
Kasunod nito, ipapasa na sa dalawang dibisyon ng Sandiganbayan ang lahat ng dokumento kaugnay ng kaso.
Sa sandaling maipasa na ang mga dokumento mula sa Docket Section ng Sandiganbayan, sisimulan na itong basahin ng mga mahistrado.
Matapos nito, posibleng magpalabas na ng warrant of arrest laban kina Revilla at iba pang akusado sa kaso.










