Nagpasok ng not guilty plea sina dating Senador Antonio Trillanes IV at Peter Advincula alyas “Bikoy” sa kasong inciting to sedition sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 138 sa kanilang arraignment kanina.
Sina Trillanes, Advincula at pitong iba pa ay mga respondent sa kasong isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay sa recorded video ng “Ang Totoong Narcolist” kung saan idinawit ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakaran ng illegal drugs sa bansa.
Una nang nakitaan ng City Prosecutor’s Office ng probable cause ang isinampang kaso ng CIDG laban kina Trillanes at Advincula habang ibinasura naman ang kaso laban kay Vice President Leni Robredo.
Si Advincula ang unang umamin na siya ang Bikoy sa recorded video kung saan binayaran umano siya ni Trillanes at iba pang taga-Liberal Party para idiin ang pamilya ng Pangulo sa drug syndicate sa bansa.
Itinakda naman ng korte sa February 7, 2021 ang susunod na pagdinig kung saan gagawin ang pre-trial at marking of evidence.