Patuloy na pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang kasong isasampa laban sa abogadong nag-notaryo sa inihaing counter-affidavit ng sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo.
Ito ay matapos aminin ni Guo sa pagdinig ng Senado kahapon na pirmado na niya ang huling pahina ng counter-affidavit kaugnay sa kasong qualified trafficking na inihain sa DOJ kahit hindi pa ito buo.
Sa ambush interview kanina, sinabi ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na sa ngayon ay wala pa silang inihahaing reklamo laban kay Atty. Elmer Galicia pero pinag-aaralan na nila ang mga sinabi kahapon ni Guo sa pagdinig ng Senado.
Sa kabila niyan, muling nagbabala ang DOJ sa mga abogadong nagno-notaryo na siguruhin nanunumpa sa harapan mismo nila ang isang affiant.
Kasong kriminal at administratibo ang posibleng kaharapin ng isang abogadong lalabag dito na ihahain sa Integrated Bar of the Philippines at Korte Suprema.