Binatikos nina Senators Risa Hontiveros at Leila de lima ang kasong sedition na isinampa ng Philippine National Police -Criminal Investigation and Detection Group o PNP- CIDG laban sa kanila at iba pang miyembro ng oposisyon.
Pagtiyak ni Hontiveros, hindi sila matitinag at hindi aatras sa paglalahad ng katotohan para idipensa ang demokrasya at karapatang pantao.
Para kay Hontiveros, isang kalokohan na matapos tirahin ng PNP ang kredibilidad ni Bikoy ay ginamit itong basehan ng asunto laban sa mga taga-oposisyon.
Pinuna rin ni Hontiveros ang timing nito na itinaon bago ang ikaapat na State of the Nation Address ng Pangulo.
Para naman kay Senator de Lima, walang kwenta ang nabanggit na kaso at mas basura pa kumpara sa mga kasong kinakaharap niya ngayon.
Dagdag pa ni de Lima, hindi niya alam kung anong klaseng imbestigasyon ang ginawa ng CIDG na nagresulta ng kaso laban sa mga kritiko ng administrasyon.