Manila, Philippines – Minaliit lang ng Palasyo ng Malacañang ang kasong isinampa ng kampo ni Edgar Matobato sa International Criminal Court laban kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil na rin sa mga patayang nangyari sa bansa o crime against humanity.
Matatandaang kahapon ay nagsampa ng kaso si Atty. Jude Sabio ng 77 pahinang kaso sa ICC sa the Hague Netherlands dahil sa pagpatay sa mga umanoy tulak at gumagamit ng iligal na droga.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi aandar ang kasong isinampa ng kampo ni Matobato sa ICC dahil hindi naman ito nakasunod sa mga nakalatag na panuntunan ng korte.
Paliwanag ni Abella, bago tanggapin ng ICC ang kasong isinampa dito ay kailangang nagamit na ng nagsampa ng kaso ang lahat ng legal na paraan para mapatunayan ang kanyang ibinibintang.
Sinabi ni Abella, ito ang hindi nagawa ng kampo ni Matobato kaya naniniwala silang hindi aandar ang kasong ito sa ICC.
Una nang sinabi ni Abella na itinaon lang ang pagsasampa ng kaso sa ASEAN Summit upang mapahiya ang gobyerno sa international community.
DZXL558