Katawa-tawa, walang basehan at malinaw na pangha-harass ang kasong estafa at qualified theft na isinampa ng kampo ni Energy Secretary Alfonso Cusi kay Evan Rebadulla, treasurer ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban Pacquiao-Pimentel wing.
Ayon kay Ron Munsayac, Executive Director ng partido sa panig nina Pacquiao at Pimentel, makikitang ignorante sa batas at walang respeto sa kaalaman ang mga naghain ng kaso.
Diin ni Munsayac, muli na namang ipinakita ng kabilang kampo ang umano’y likas nilang pagiging sisinungaling para gipitin ang mga sumusunod sa batas.
Sabi ni Munsayac, ang ganiyang asal ay salungat sa prinsipyo at layunin ng PDP-Laban.
Para kay Munsayac, ang nabanggit na hakbang ay tila pag-amin na hindi sila otorisado ng partido kaya wala sa kanilang kostudiya ang mga totoo at opisyal na records at resources ng PDP-Laban.
Kaya naman ayon kay Munsayac, napipilitan ang kabilang panig na gumawa ng iligal at marahas na tangkang maagaw mula sa partido ang resources nito para magamit sa kanilang pagiging tiwali at makasariling layunin.