Dinismiss ng Office of the Ombudsman ang reklamong katiwalian laban kay dating Department of Transportation o DOTr Usec. Cezar Chavez at Light Rail Transport Authority (LRTA) Spokesman Atty. Hernando Cabrera.
Maliban sa reklamong katiwalian, ibinasura rin ng Ombudsman ang inihaing reklamong paglabag sa Code of Conduct and ethical standard laban kina Chavez, Cabrera at Jorjette Belen, program head ng Urban Integrated Consultants Inc.
Sa dalawampu’t siyam na pahinang desisyon na pirmado ni Ombudsman Samuel Martirez, walang nakitang substantial evidence na nakagawa ng paglabag sina Chavez at Cabrera sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Wala namang parusa kay Bellen lalo pa’t hindi naman siya empleyado ng gobyerno.
Nag-ugat ang isinampang reklamo laban sa tatlo sa hinahabol na P1.9 billion na kabayaran sa maintenance project sa Metro Rail Transit o MRT 3 ng Busan Universal Rail Inc. o BURI.
Kinasela rin kasi ng DOTR ang kontrata ng BURI bilang maintenance provider ng MRT 3.
Ito ay kasunod ng mga serye ng aberya na kinaharap ng MRT 3 na nakaapekto naman ng husto sa mga pasahero at operasyon nito.
Paliwanag pa ng Ombudsman, mas maayos na matatalakay ang hinahabol na kabayaran ng BURI sa isang civil case.