Ibinasura ng DOJ ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa isang abogado ng National Union of Peoples´s Lawyer o NUPL.
May kaugnayan ito sa reklamo ng ama ng isang menor de edad na testigo at survivor sa Sagay massacre na nangyari noong Oct 20,2018.
Sa resolusyon ng DOJ na pirmasdo ni Assistant State Prosecutor Ferdinand Fernandez, sinabi nito na wala silang nakitang probable cause para i-akyat sa korte ang kaso laban kay Atty. Katherine Panguban.
Ibinase ng DOJ ang desisyon nito sa naging testimonya ng 14 anyos na survivor ng Sagay massacre at ng Ina nito na kusang loob silang sumama kay Atty. Panguban para sa kanilang kostodiya.
Ayon sa DOJ, hindi rin sumipot sa naka schedule na preliminary investigation ang nagrereklamong ama ng menor de edad laban kay Atty. Panguban sa kabila ng mga abiso dito.
Ang katorse anyos na batang lalaki ang natukoy ng Sagay City Police na testigo sa nangyaring pagpatay sa siyam na miyembro ng National Federation of Sugar Workers sa Hacienda Nene sa Sagay City sa Negros Occidental noong October 20, 2018.
Dinala ng Sagay police sa Sagay City Social Welfare and Development ang batang testigo.
Nasa Maynila naman noon ang ina ng bata at agad na umuwi sa kanila sa Sagay City kasama si Atty. Panguban para kunin ang kanyang anak.
Pinapili ang bata kung kanino siya sasama at mas pinili nito ang makasama ang kanyang ina.
Nauna nang sinabi noon ng NUPL na ginamit lamang ng mga pulis ang ama ng bata para makuha ang kostodiya dito.