Kasong kinakaharap ng ilang PS-DBM officials na sangkot sa Pharmally scandal, magsilbing babala sa ibang opisyal ng pamahalaan

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na magsilbing babala sa mga opisyal ng gobyerno ang pagsasampa ng Ombudsman ng mga kasong graft laban kina Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao at sa iba pang opisyal na sangkot sa P4.1 billion na kontrobersyal na Pharmally scandal.

Ayon kay Hontiveros, magsilbing babala sa ibang naglilingkod sa pamahalaan ang sinapit nila Lao at ng iba pang DBM executives matapos ang ginawang maanomalyang pagbili ng overpriced na COVID-19 medical supplies.

Aniya pa, ang tuluyang pagpapanagot kina Lao ay mahalagang hakbang tungo sa pagsingil sa accountability at hustisya laban sa mga indibidwal na nasa likod ng maling paggamit ng pondo habang mayorya ng mga Pilipino ay naghihirap dahil sa pandaigdigang pandemya.


Dagdag pa ni Hontiveros, ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman ay pag-validate na rin sa naunang draft committee report noon ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekomendang kasuhan ang lahat ng executive officials na sabit sa maanomalyang transaksyon ng pandemic supplies.

Samantala, bagama’t welcome kay Senator Chiz Escudero ang pagsasampa ng kasong graft kina Lao, nagtataka ang senador kung bakit hindi naisama sa paghahain ng kaso ang plunder.

Ito ay dahil ang halaga ng Pharmally scandal na mahigit apat na bilyong piso ay pasok sa threshold na P50 million para makasuhan ng pandarambong ang sinumang opisyal ng gobyerno na nagsayang at naglustay ng pera ng taumbayan.

Facebook Comments