Kasong may kaugnayan sa iligal na armas na inihain ng PNP-CIDG laban kay Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves, Jr., ibinasura ng DOJ; PNP, pag-aaralan kung iaapela nila ang naging desisyon ng ahensya!

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang isa sa mga reklamong may kaugnayan sa iligal na armas na inihain ng Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano, ang nasabing kaso ay nabasura dahil sa kakulangan ng ebidensiya at hindi rin naaresto si Teves nang magsagawa ng raid sa kaniyang mga bahay.

Ang naturang mga armas ay nasa ilalim din ng kustodiya ng isang “Roland Aguinsanda Pablio”.


Pero, iginiit ni Clavano na sa kabila ng pagbasura sa isang reklamo ay nasa pitong reklamo pa ng illegal possession of firearms, ammunition and explosives ang kinahaharap ni Teves kasama ang kaniyang anak.

Nabatid na ang mga ikinasang pagsalakay at mga isinampang reklamo laban kay Teves ay dahil sa pagturo sa kaniya bilang utak o nasa likod ng mga patayang naganap sa Negros Oriental noong 2019.

Kaugnay nito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na kailangan muna nila makakuha ng official copy ng resolution na inilabas ng DOJ.

Dagdag pa ng PNP, titingnan at pag-aaralan nila kung kinakailangan mag-file sila ng motion for reconsideration.

Facebook Comments