Posibleng irekomenda ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang paghahain ng kasong plunder o pandarambong laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa harap ng patuloy na kabiguan ni VP Sara na ipaliwanag kung paano ginastos ang kaniyang confidential funds.
Ang tinutukoy ni Gonzales ay ang ₱112.5 milyong halaga ng confidential fund ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara.
Tinukoy ni Gonzales ang lumabas sa pagdinig ng Kamara na ang nabanggit na pondo ay na-withdraw sa pamamagitan ng tatlong magkakahiwalay na tseke na may halagang ₱37.5 milyon bawat isa na iniisyu kay Edward Fajarda na siyang Special Disbursing Officer (SDO) ng DepEd.
Ikinabahala ni Gonzales, ang kawalan ng dokumentasyon sa naturang mahalagang mga transaksyon na lalong nagpatibay sa kahina-hinalang paggastos dito.