Tinawag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na imbento o gawa-gawa lamang ang kasong qualified human trafficking na isinampa laban sa kanya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Roque na mula nang i-raid ang Lucky South 99 ay umabot pa ng apat na buwan bago siya nakasuhan dahil wala naman talagang ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa mga iligal na aktibidad ng nasabing Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Malinaw aniya na pinilit lang ang kaso para matuwa ang “nasa itaas.”
Giit ni Roque, wala siyang kinalaman sa operasyon ng Lucky South dahil wala naman siyang ni-recruit o pinagtrabahong Pilipino o Tsino sa POGO.
Tiniyak naman ni Roque na haharapin at sasagutin niya ang mga akusasyon laban sa kanya sa tamang panahon.