KASONG ROBBERY SA SUSPEK SA PANLOLOOB SA PAWNSHOP, IPAPASAKAMAY SA PISKALYA

Cauayan City, Isabela- Isasampa na ngayong araw sa piskalya ang kasong Robbery laban kay Annamae Lagman.

Si Lagman ang hawak ng PNP Cauayan City na isa sa mga posibleng sangkot ng panloloob sa pawnshop sa Cauayan City.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Cauayan City Police station, ipinapasakamay na nila sa Fiscal’s office ang pagdetermina sa bigat ng mga hawak nilang ebidensya para maiakyat ang kaso sa korte.


Samantala, labis ang kalungkutan ng mga kapamilya ni Anna Mae Lagman sa pagkakadawit nito sa kaso.

Sa ekslusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa anak nito na si John Lagman, limang taon nang nagtatrabaho ang kanyang ina sa pawn shop na pag-aari ni Marjorie Tan, 27 taong gulang, walang asawa, negosyante at residente ng Dacanay St. San Fermin, Cauayan City.

Sa loob umano ng limang taon ay maayos na ginagampanan ng kanyang ina ang trabaho nito at sumusunod siya sa alituntunin ng kanilang kompanya.

Dagdag pa ng anak ng suspek, nagtataka sila bakit si Gng Lagman lang ngayon ang nadidiin samantalang may mga kasama ito noong oras na nilooban ang bahay sanglaan.

Sa kabila nito, nagpahayag ng kahandaan ang pamilya Lagman na handa silang makipag cooperate sa anumang isasagawang imbestigasyon ng kapulisan para malinis ang kanilang pangalan.

Iginiit pa ni John na inosente ang kanyang ina.

Naniniwala at umaasa sila na sa bandang huli ay lalabas at mananaig din ang katotohanan.

Facebook Comments