Manila, Philippines – Lumagda na ng kasunduan ang Philippine National Police (PNP) at ng production team ng “Ang Probinsyano” para tuldukan na ang gusot na nilikha ng teleserye.
Kabilang sa lumagda ngayong araw ng MOU o Memorandum of Understanding ay sina PNP Chief Director General Oscar Albayalde, Police Community Relations Group o PCRG Chief Police Director Eduardo Serapio Garado at sina ABS-CBN COO for Broadcast Ma. Socorro Vidanes at MTRCB Chair Ma. Rachel Arenas.
Dahil sa nilagdaang MOU, ibabalik na muli ng PNP ang kanilang suporta sa teleserye matapos itong bawiin nang umalma si Albayalde sa paraan ng pagganap ng aktor na si Soliman Cruz bilang Chief PNP sa palabas na isang kontrabida.
Iginiit ng pamunuan ng ABS-CBN na hindi nila intensyong sirain at yurakan ang imahe ng pulisya sa mata ng publiko.
Magugunitang noong isang linggo, nakipagpulong na ang production team ng Ang Probinsyano sa mga opisyal ng DILG o Department of Interior and Local Government para pag-usapan ang isyu.
Muling humarap ngayong araw si Albayalde mula sa kanyang apat na araw na pagdalo sa general assembly ng ICPO- Interpol o International Criminal Police Organization sa Dubai, United Arab Emirates.