Para maiwasan ang mga miscalculations o mga hindi pagkakaunawaan patungkol sa isyu West Philippine Sea, magkakaroon ng kasunduan ang China at Pilipinas na bubuo ng direktang komunikasyon sa pagitan nang kanilang mga foreign ministries.
Ito ang inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs Nathaniel Imperial sa Press Briefing sa Malacañang.
Ayon sa opisyal, ang pipirma sa kasunduang ito ang DFA Secretary ang kanyang counterpart sa China.
Matatandaang ilang beses na nagkaroon ng girian sa pagitan ng mga Pilipinong mangingisda at sundalo at Chinese coastguard sa bahagi ng West Philippine Sea dahil sa isyu sa paglampas sa binabantayang mga boundary.
Samantala, sinabi rin ni Imperial na plano rin ng gobyerno ng Pilipinas na i-renew ang kasunduan sa pagitan ng China para sa partisipasyon sa belt and road initiatives ng China na makakatulong sa infrastracture program ng Marcos Administration.
Nakatakda rin ang pagpirma sa memorandum of understanding o MOU kaugnay sa digital cooperation na nakatuon sa palitan ng best practices, capacity building tungkol sa digital connectivity at data emerging technologies.
Para naman mas maraming turistang chinese ang makapunta sa Pilipinas matapos ang nararanasan ngayong covid surge sa China, pipirmahan ang isang kasunduan kaugnay sa tourism cooperation o tinawag na Implementation Program of the MOU on Tourism Cooperation.
Ang China ang pangalawang malaking pinanggalingan ng foreign tourist ng Pilipinas noong 2019 kung saan halos 1.8 milyong chinese tourist ang bumisita sa bansa bago ang COVID-19 pandemic.